“Ika’y naging bahagi nitong aking aklat” Eureka C. Bianzon

Ating mga larawan inisa isang tignan
Inilabas sa mumunting kahon
Na aking pinaglagyan
Mga sulat laman ay bawat ala ala
Sa mga panahong ikaw at ako ay magkasama

Binasang muli bawat liham
Halong lungkot at saya ang pakiramdam
Maibabalik pa kaya ang bawat kahapon
Masasayang ala ala natin noon

Muli sa aking pagsilid ng iniwan mong ala ala
Tanging dasal na lamang nawa’y
Iyong magunita
Mga araw na ako’y iyong kasama
Sa bawat araw nang ika’y nag iisa

Pahahalagahan kong lahat
Kahit ang oras nati’y hindi naging sapat
Tanging masasambit ko lamang ay pasasalamat
Ika’y naging bahagi nitong aking aklat