“Lapis at papel”ni Eureka C.Bianzon

“Lapis at papel”
(Sa ating buhay tayo ang gumuguhit ng ating kapalaran)

Isang blangkong papel ang nasa aking harapan
Patuloy na hinahawakan at pinagmamasdan
Isang kataga ang bumuo na lamang sa aking isipan
“Sa ating buhay tayo ang gumuguhit ng ating kapalaran”

Tulad na lamang ng blangkong papel na ito
Walang buhay kung ating matatanto
Sapagkat walang magandang larawan ang nakaguhit dito
Na nakakaiigayang pagmasdan kesa sa papel na blangko

Marahil sa una ang papel na ito ay hindi papansinin
Kung hindi babasahin ang mensahe na aking sasabihin
Blangkong papel na walang buhay kung
Tatantuhin
Ngunit may mensahe pala na nais iparating

Gabay mula sa Panginoon ating hiling
Sa mga bagay na ating nais na tapusin
Gayundin sa ating mga pangarap at mithiin
Subalit pangarap ay matutupad kung ito’y sasamahan ng gawa sa bawat adhikain

Ang papel kapag blangko ay walang buhay
Kagaya din sa buhay na lugmok sa pagkalumbay
Tayo ang guguhit sa ating kapalaran upang
Mabigyang saysay
Punan ang adhikain mula sa gawa kasama
Ang Diyos na ating gabay

Katulad ng umiiksing lapis na gamit sa pagguhit
Tao din ay nauupos at kalaunan ay
Ay susunduin ng langit
Kagaya ng lapis unti unti man itong
Lumiliit
Wagas ang maiiwan nito sa dami nitong naiguhit

Sa buhay natin tayo ang lapis
At ang buhay ay ang papel na ating
guguhitan at kukulayan
Tayo man ay umiyak sa bawat hinagpis
Tayo ay natuto at nakapagbigay aral sa ating
natunghayan

Sa ating pagguhit hindi maiiwasan na tayo ay magkamali
Atin man itong burahin ngunit ang bakas ay sadyang mananatili
Kung ito ay papatungan ng tama ay hindi na makikitang muli
Ngunit ang aral sa papel ng buhay ay hindi kailan man maikukubli

Subalit kung ating gagamitin ang ating buhay
At hindi manghinayang na ibahagi
Ang inspirasyon nitong taglay
Umiksi man ang lapis ito ay mag iiwan
Ng isang papel na puno ng kahulugan
http://www.mypenandsoul.wordpress.com

.

image