Kalendaryo

Minarkahan niya ang kanyang kalendaryo
Taon taon ay napupuno nya bawat petsa dito

Lugar na kanyang napuntahan at pupuntahan
Gayundin ang nakasamang pamilya at mga kaibigan

Ginawa niya ito simula pagkabata
Bawat kalendaryong sinusulatan ay naiipon na
Mula sa pagkadalaga hanggang mag asawa
Hanggang sa mag ka anak at mag ka apo na

Palagi niyang plano bawat bagay na gagawin
Nakamarka doon lahat ng mga bagay at habilin
Sapagkat ayaw na may makaligtaan lalo ang okasyon
Ang petsa sa kalendaryo nararapat na siya ay
Naroon

Sa pagkalipas ng panahon kanyang mga naililistang mga kaibigan ay kaunti na
Dumaragdag naman ang pag marka sa pagbisita
Sa klinika
Pakiramdam iba’t ibang lugar na tatanawin ay limitado na
Sapagkat katawang aktibo noon ay unti -unting humihina

Sa kapal ng naipong kalendaryo laman ay masasayang bagay
Mga petsa ,tao ,magagandang pook, mga ala ala na may saysay
Mga minarkahan at pinunan ng sariling mga kamay
Ala ala na mananatili hanggang sa kabilang buhay

Sa mundong ibabaw bawat galaw man ay nakaplano
Iisa lamang ang nakaka alam kung saan ito
patungo
Ang mahalaga ang mabubuting bagay na nakamarka sa ating kalendaryo
Ala alang mananatiling buhay sa mga maiiwang mga puso.

“KALENDARYO” ©️mypenandsoul
eureka robey

“Respeto”

Ipinanganak ka ng buong kagalakan
Iyong mukha’y kanilang pinagmasdan
Ang pananabik hindi kailan man lumisan
Ika’y dinamitan ng ayon sa kanilang kagustuhan

Dumating ang panahon na ika’y lumaki na
Mga bagay para sa iyo ay normal nguni’t hindi sa iba
Iyong nakahiligang laruin ay iba sa nais nilang makita
Ngunit para sa iyo ito’y mga bagay na sa’yo
Ay nakapagpapasaya

Sa salid aralan ikaw ay nanatiling mapag isa
Pinag mamasdan bawat kamag aral isa isa
Sinusuri kung sino ba iyong kakaibiganin
Kung sila ba ay makaiintindi sa iyong damdamin

Pag uwi ng tahanan ,sa iyong nararamdaman
Walang makausap
Itinatagong pilit sa pangambang husgahan
Ng iba
Ang kwadernong may susi na lamang
Ang nakakayakap
At unan sa gabi ay sumasalo sa pumapatak na
mga luha

Lumipas ang panahon ikaw ay natuto ng humanga
Damdamin ay pilit mong pinipigilan, sa takot sa
Sasabihin ng iba
Sa iyong pakiramdam ito ay kamaliang kay hirap itama
Kahit na wala kang tinatapakang mga paa

May mga araw na iyong nasasaksihan
Pangungutya ng kapwa sa parehong kasarian
Iyong mga tenga’y dinig ang kanilang pang-aalipusta
Kahit ang hinuhusgahan ay hindi nila kilala

Ang tanong mo sa iyong sarili, bakit ako nandirito
Bakit ako ipinanganak sa aking pagkatao
Nararamdaman ay iba ngunit iba ang anyo
Ang respeto ba mula sa kapwa ay magmumula dito

Naisipan mong sarilinin bawat mga bagay
Pinilit mong ang sarili sa kanila’y makibagay
Ngunit iyong puso ay hindi nararamdaman ang saya
Sapagkat hindi matanggap ang sarili dahil sa iba

Sambit sa sarili kung mundo’y hindi mapanghusga
Siguro lahat ang nararamdaman ay malaya
Kung respeto ay makukuha kahit hindi ka kilala
Siguro mapupuno ang bawat puso ng ginhawa

Walang isinilang para na lamang husgahan
Walang may karapatan upang pagkatao ng iba ay
Tapakan
Sapagkat sa mundong ito lahat pantay pantay
Respeto ang maiiwan kung sumakabilang buhay

Iyong natanto may mga bagay na dapat sarilinin
Kung ito ay magdudulot ng sakit ng damdamin
Mahirap ba ang maging mabait kesa mapangkutya?
O ito’y dahilan para pansinin din ng kapwa

Iba iba man ang kulay ng tao , estado,anyo o kasarian
Hindi ito dahilan upang tingin sa sarili ay taasan
Maging mapagkumbaba kesa banggitin ang hindi
Kaaya ayang salita
Sapagka’t hindi lang ang hinuhusgahan ang sa iyo’y
nakakakita.

Bakas ang lungkot sa iyong mukha
Pinipilit na hindi pansinin ang mga taong mapanghusga
Minsan ramdam sa sarili ang nais na magpakalayo
Sa lugar sa kung saan mag iiba ang takbo ng mundo

Iyong kakayahan ay ang doon papansinin
Ang iyong katauhan ay buong pusong tatanggapin
May tengang handang makinig sa iyong sasabihin
Na hindi alintala ang damdaming nais sambitin

“Respeto”©️My Pen & Soul
Eureka Robey

Kaibigan

Kabigan bakit ba ang layo mo

Ilang taon na din tayong hindi nagkatagpo

Hindi makatulog kakaisip sa’yo

Nawa’y ayos ka lang sa iyong ginagalawang mundo

Kaibigan sobrang namimis na kita

Kailan kaya kita mayayakap muli’t makakasama

Sa bawat oras tanaw ko ang langit dahil sa’yo

Minamasdan ang ulap at bituin, iniisip kung tinatanaw mo din ito

Kaibigan kaytagal na ng panahon

Hindi ko magawang baguhin itong ating hamon

Hindi magawang ikaw ay masilayan sapagkat ikaw ay napakalayo

Hindi magawang puntahan ano mang oras gusto

Kaibigan ayos ka lang ba

Nawa’y iyong buhay ay masaya at masagana

Kaysarap tantuin masasayang ala ala diba

Ako’y nandirito lang inihahayag ang damdamin sa tula

Kaibigan aking dalangin ay iyong kaligtasan

Saan ka man mapadpad nawa Maykapal ikaw ay gabayan

Kaibigan maraming salamat sa bawat ala ala

Na ako’y naging bahagi ng iyong buhay na puno ng pag asa

©️ mypenandsoul

Author Eureka Bianzon Robey

A poem dedicated to my bestfriend Ice who is currently residing in Canada. I remember it was 2011 the last time we saw each other in the Philippines. How I miss my bestfriend and our karaoke.

Nais kong madinig ang iyong tinig

Ang bawat patawa na  iyong binibigkas

Ay may halakhak na pag kalakas lakas

Kung maibabalik ko lang ang panahon

Na ikaw ay may kalakasan gaya noon

Nais ko muling madinig ang iyong tinig

Mga salitang sambit ng iyong mga labi

Mga pangaral na gusto kong nadidinig

Mula sa amang mapagmahal ng labis

Sa ngayon akin na lamang 

Titignan ang iyong ngiti

Ama alam kong gustong gusto 

mo akong kausapin

Bagama’t mag salita 

ay di kayang bigkasin  

Sa puso ko tila alam ang

 salitang iyong nais sabihin

Na anak wag kang mag alala

Aking lakas ay manunumbalik

Mga salita ay lalabas  sa aking bibig

Balang araw ating usapang kaysaya

 ay sadyang magbabalik

Simula noong Isinilang kita

Sa tuwing ikaw ay gigising hagikgik muna ang aking madidinig
At kapag ikaw ay dinungawan  iyong namimilog na mga mata sa aki’y nakatitig
Ang iyong biglang ngiti ang siyang gumigising sa
aking isipan
Ako’y sumisiglang bigla kahit hapong katawan ay hindi pa nailapag sa aking higaan

Kapag tinititigan kita  puso ko’y ngumingiti sa saya
Labis na kagalakan iyong hatid sa akin simula noong
Isinilang kita
Iyong paghawak sa aking labi sa tuwing akap kita
Tila isang mahika hindi makapaniwala na sa ngayon ay kapiling ka

Aking pakiramdam na kaya kong lahat basta’t nariyan ka
Kaya kong kalimutan lahat , sa tuwing nakikita ka
Ikaw ang sikat ng araw sa aking bawat umaga
Saya ng aking kalooban , isang mahika buhat sa Lumikha.

Isinulat ni Eureka Bianzon Robey

“Sa bawat pagpatak “

Buhos ng ulan tila walang batid na pagtila
Gaya ng mga matang lumuluha buhat sa pangungulila
Makulimlim na kalangitan may batid na kalungkutan
Gaya ng pusong nalumlumbay pagkatapos masugatan

Tinatanaw bawat punong panay ang pagsalo sa bawat patak
Gaya ng tao na na walang kasiguraduhan sa kanilang pag apak
Walang nakakaalam sa bawat araw na mga mata natin ay mulat
Mga unos dumarating ,  nagbibigay luha sa mga matang problema ay hindi mabuhat

Ngunit , ulan ay tumitila  pagsikat ng araw
Luha’y  titigil din sa pagpatak kapalit ay  masayang bagay na matatanaw
Liliwanag din ang kalangitan , bawat ibon muli ay mag aawitan
Gaya ng pusong humilom pagkatapos na masugatan

Tayo may mga puno na palaging sasalo  bawat pagpatak
Maniwala lamang na may Diyos na sasalo sa ating bawat pag apak
Siya lamang ang nakaka alam sa lahat ng panahon sa bawat landas na ating tinatahak
Mga unos dumarating,  maniwala lamang na may  kaagapay tayo sa bawat pagpatak
Mypenandsoul.com

(c) mypenandsoul author
Eureka Bianzon Robey

May panahon pa upang sila ay mahagkan ni Eureka C. Bianzon

Isinilang ka ng puno ng kagalakan

Ngiti sa labi ng iyong mga magulang ay nahagkan

Ikaw noon ay mumunting anghel na nakakahalinang pagmasdan

Kinasasabikang hawakan na halos ay ayaw nang bitiwan

 

Unti unti ikaw ay lumalaki na

Sinimulan mo na din gumuhit kahit na ang magbasa

Aral mula sa iyong mga magulang ay iyong nabibihasa

Ikaw ay nagging magalang at masunuring bata

 

Dumating ang panahon ikaw ay nakatuntong na sa

Mataas na paaralan

Unti unti mo nang nakikilala ang iba’t ibang

Ugali ng iyong mga kaibigan

Naramdaman mo na ding humanga sa iisang

Nilalang

Na hindi mo inasahan na mamahalin mo din

Gaya ng iyong mga kapatid at mga magulang

 

 

Ngayon ikaw na ay nakapagtapos at maayos na

Ang kinalalagyan

Abala na sa trabaho at nag ibang bayan

Hindi mo na mabalikan mga gawaing gustong gusto

Mong balikan

Sapagka’t iyong dahilan ikaw ay wala ng panahon

Upang mga ito’y gawin pa kinabukasan

 

 

Hindi mo naramdaman na bawat oras ay tumatakbo

Tuloy tuloy ang pagtanda ng mga magulang mo

Ngilid sa iyong kaalaman pag aaruga nila

Ay nananatili para sa’yo

Sa bawat araw at gabing ika’y iniisip at nasusulyapan

na lamang sa mga larawan mo

 

 

Ikaw ay babalik na sa lupang nakagisnan

Upang dalawin ang iyong mga kapatid at mga magulang

Ikaw ay asensado na halos mga nakagawiang bagay

Ay nalimutan

Ngunit iyong mga ala ala ay patuloy padin ibinabahagi

Sa iyo ng iyong mga naiwang mga magulang

 

Naramdaman mo ba ang pagpapabago mula sa kanilang

Pagmamahal

O dumagdag pa ito sa pagkasabik nila sa iyo ng

Pagkatagal tagal

Mga magulang ay hindi nakalilimot kailanpaman

Patuloy ka pa din ipagmamalaki at sasambiting

Paulit ulit ang iyong pangalan

 

 

Pangalan na kanilang naisip noon iyong kapanganakan

Pangalan ng kanilang minamahal kahit madalang

Na lamang na pagmasdan

Kung iyong nararamdaman ang tulang ito

May panahon pa upang sila ay mahagkan

Gaya nila na patuloy na  nagmamahal sa iyo sa

Mga panahong ikaw ay masaya at pansamantalang

Sila ay nalimutan 

 

“Bote’t dyaryo”

Katawang hapo nakalapat sa papag na kawayan
Ipapahinga na ang katawang sa maghapong sa init ng araw ay nakipagsabayan
Kumita na at naiuwi ang ilang singko kahit kakarampot lamang
Mahalaga’y may pambili ng pagkain upang tiyan ay mabigyang laman hanggang kinabukasan

Sa pagtilaok ng manok dama padin ang hapong katawan
Tila ayaw pang bumangon pinipilit ang mga mata’y buksan
Mag iinit ng tubig gamit ang panggatong na kawayan
At magtitimpla ng kape upang tiyan ay mainitan man lang

Handa na naman sa isang araw na pakikibaka
Tulak ang karitong bote’t dyaryo
ang dala dala
Sa iilang boteng nakokolekta siya ay tila masaya na
Sapagkat ito’y katumbas ng bawat singko na ihahain sa hapag para sa kanyang pamilya

Makaraos sa maghapon ang tanging minimithi
Mabigyang laman ang tiyan kahit man lang bigas ay may pambili
Sa pakikibaka sa araw araw siya’y hindi tumitigil
Dala ang bote’t dyaryo na sa kanyang buhay ay malaking silbi

“Bote’t Dyaryo”

Artwork & Poem ©️eurekarobey /mypenandsoul

Walang Imposible sa mundo ni Eureka C.Bianzon

Isang parangal ng apresasyon
Ang naghatid saya sa aking puso ng gabing iyon
Maliban sa mga kababayan na nagbigay ng inspirasyon
Patungkol sa kanilang buhay upang makaahon

Ni minsan sa aking buhay hindi ko inakala na magiging malalim pa
Ang dedikasyon ko sa pamamahagi ng tula
Kaysarap lamang isipin na ang aking bawat katha ay marami na
Ang nakakabasa

Noong ako’y unang sumulat mahalaga na ang makapagbasa ang aking ina
Na aking napapasaya sa tuwing ginagawan ko siya ng tula

Subalit ganoon pala ang pakiramdam
Kapag buong buhay mo ay inialay mo sa may lumikha
Tangi mo lamang gagawin ay sundin ang nasa puso at simulang
isulat ang mga ibabahagi Niya

Inspirasyon sa bawat tao
Inspirasyon sa mga pangyayari sa buhay ko
Na ni minsan ay hindi ko kinalimutan
Sapagkat dito naibabahagi ang bawat aral  sa mundo

Mananatili pa rin akong manunulat ninyo
Maiwan ko man ang bansang sadyang nagbago sa buhay ko
Dito marami akong natutunan nakilala ang bawat isa sa inyo
Gayunman lahat ay aking ipinasasalamat
Sapagkat dito ko lalong nalaman na walang imposible sa mundo

“Araw at gabi sa kanya’y iisa” ni Eureka C.Bianzon

Mga matang nakapikit
Tinatahak ang tanging himlayan
Kinakapa ang bawat muwebles
Na gumagabay sa kanyang dinaraanan

Araw at gabi sa kanya’y iisa
Na tanging hapong katawan lamang
Ang makadarama
Na ang buong araw ay tapos na
At kailangang ipahinga

Sa paglalakbay sa daraanang hindi nakikita
Siya lamang ang makapagsasabing
Mapalad ka
Sapagkat bawat bagay sa mundo’y
Nasisilayan ng iyong mga mata

Iyong napagmamasdan at natatahak
ang bawat daraanan ng hindi naaalintala
Bawat pangyayari sa mundo ay saksi ng iyong mga mata
Hindi tulad nya na imahinasyon lamang at kadalasan ay hirap pa

Kung sa iyong paningin bawat bagay ay may kamalian
Gisingin ang sarili buksan ang biyayang ipinagkaloob noong iyong kapanganakan
Bulag na hindi dumaraing nakikita
Ang mundo na puno ng kagandahan
Sapagka’t tanging puso lamang ang ginagamit hindi ang isipang nagsasambit ng kapintasan
-mypenandsoul

Salamat sa mga ina ni Eureka.C.Bianzon

Galak ang hatid ng  bawat araw na daratal
Mga pagbati sa mga inang minamahal
Gaya ng agos ng tubig sadyang walang
Patid
Patuloy ang pagpupugay ng mga supling na may-ibig

Kung tatantuhin lamang ng pusong masigasig
Pag aarugang ginampanan ng ina
Na walang ligalig
Buong buhay ay inilaan ng walang halong pagdaing
Upang matupad ng supling ang
bawat mithiin

Salamat sa mga ina, na syang tanging ilaw ng tahanan
Tungkuling ginagampan sadyang kayhirap pantayan
Siyang tanging susi sa bawat pusong may yaman
Ng disiplina,pananalig, na tanging ina lamang ang mapakapaglalaan